Umalma ang Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform-Batangas (Sugar-Batangas) sa ilang buwan nang intimidasyon umano ng mga sundalo sa mga miyembro nito. Ayon sa grupo, Hunyo 23 nang pinuntahan ng mga nakasibilyang sundalo na nagpapanggap na delivery driver ang tahanan ng mga kasapi nila.
“Mayroon pa raw mga nakasibilyang militar na nakapalibot sa bahay nila. Bago pa umalis ang mga militar ay nagbanta na babalik muli,” dagdag pa ng grupo.
Kaugnay nito, noong Hunyo 3 naman, pinatigil ng pulisya ng Balayan ang programa para sa mga magtutubo, maghuhurnal, maggugulay at mangingisda na kapwa pinasinayanan ng Sugar-Batangas at Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) sa Baranggay Lanatan, Balayan dahil hindi raw naipagpaalam ang gagawing aktibidad.
Sabi ng Sugar-Batangas, “Ito mismo ang dahilan kung bakit ayaw namin dine sa Batangas, lalo na sa kanayunan, ang mga militar. Lumayo sila sa amin sapagkat sila ang nagdadala ng takot at ligalig sa mga komunidad namin.”
Inipilit raw ng militar kung sino ang nagpasimuno sa panawagan sa ayuda at kompensasyon para sa mga magsasaka.
“Kaming mga magsasaka na nagpapakain sa bayan ay ginagawa lamang ang nararapat para makuha ang aming karapatan sa ayuda, kompensasyon at pangmatagalang suporta mula sa gobyerno,” pahayag ng grupo.
Noong Agosto 5, 2025, nagpasa ng listahan ng mga magsasaka sa Batangas na naapektuhan ng tatlong magkakasunod na bagyo upang humingi ng tulong pinansiyal sa gobyerno.
Dagdag pa ng grupo, pinuntirya ng red-tagging ang mga lider ng Sugar-Batangas at iba pang grupong sumusuporta sa kanila tulad nina Charlie Lopez, Louie Quiroz, Ahla Fortuno at Hailey Pecayo.
Giit pa ng grupo, dapat imbestigahan ng Commision on Human Rights ang mga nangyaring panghaharas at red-tagging sa kanilang mga miyembrong magsasaka.
Patuloy naman ang panawagan ng grupo sa Department of Social Welfare and Development na ipamahagi na ang ‘di pa naipapamahaging na ayuda ng mga magsasaka sa mga bayan ng Taal, Lemery, Calaca, Balayan at sa iba pang mga bayan sa Batangas na hindi pa nakakatanggap katulad ng Tuy, Nasugbu, Lian at Calatagan.
“Ang nais namin ay lupa, hanapbuhay, suporta at bayad-pinsala, hindi dagdag-pinsala mula sa mga militar at [pulisya],” dagdag ng Sugar-Batangas.
