Ang babaeng sinusubok at inaapi ng panahon ay babaeng buong pusong niyayakap ang rebolusyon.
Hindi matatawarang galak at pagbubunyi ang hatid ng hanay ng rebolusyonaryong kababaihan sa Laguna para sa ika-51 na anibersaryo ng MAKIBAKA o Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, ang rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihang Pilipino. Mula nang maitatag ito hanggang sa kasalukuyan, patuloy na namamayagpag ang MAKIBAKA bilang tagapamandila ng kilusang mapagpalaya ng kababaihan. Ang higit limang dekada ng MAKIBAKA ay patunay sa importanteng gampanin ng kababaihan sa pagsulong ng digmang bayan.
Binasag ng MAKIBAKA ang atrasadong ideya na ang kababaihan ay walang kakayanan upang mamuno o lumahok sa pagbuo ng mahahalagang desisyon sa lipunan. Malaki ang naging kontribusyon ng organisasyon maging sa pagwawasto sa pananaw sa kababaihan maging sa loob ng kilusan. Naging signipikante rin ang papel ng MAKIBAKA sa pagbubukas ng mga usapin hinggil sa mga kasamang may kinikilalang kasarian sa kilusan. Sa agos ng lipunang Pilipino na kontrolado ng Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata Kapitalismo, isa ang MAKIBAKA sa buong tapang na sumasalungat sa bawat hampas nito.
Sa kasalukuyan, nilulunod ng matinding kahirapan ang mga kababaihan saan mang parte ng bansa. Tila walang senyales ng paghinto ang krisis na hinaharap ng mamamayang Pilipino. Nariyan ang pagbulusok ng ekonomiya ng bansa kasabay ng naitalang 8.7% na implasyon noong Enero 2023, pinakamataas na implasyon sa kasaysayan habang tuluy-tuloy sa pagsirit ang presyo ng mga batayang produkto sa merkado. At dahil sa nagtataasang presyo ng bilihin at mga bayarin, ang binabarat na sweldo ng mga manggagawa ay kulang na kulang upang tustusan ang mga pangangailangan. Bilang halimbawa, ang minimum na sahod sa lalawigan ng Laguna ay naglalaro mula 350 piso hanggang 470 piso kada araw, malayo sa higit 1, 000 piso na kailangan upang mairaos ng isang pamilya ang isang araw.
Humaharap din ang mga Pilipino sa iba’t ibang porma ng atake na dulot mismo ng kasalukuyang naghaharing administrasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Mula nang umupo sina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte sa pwesto matapos ang pinaka maruming halalan sa bansa, samu’t saring kaso ng paniniktik, panggigipit, iligal na pag-aresto, at pagpaslang sa mamamayan ang naitala. Hindi pa natatapos ang krisis na ito sa paghihirap at kagutuman ng mamamayan. Walang pakundangan din ang pagratsada sa mga kontra-mamamayang polisya at mga batas sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II-Duterte tulad ng Maharlika Wealth Fund, Mandatory ROTC, pag-amyenda sa Konstitusyon ng 1987, pagratipikasa Regional Comprehensive Economic Partnership o RECP na magpapahirap sa mga Pilipino partikular sa mga magsasaka, at pagpapaigting ng kasunduang militar kasama ang imperyalistang Amerika sa ilalim ng pulpol na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA na tiyak na maglalagay sa mas maraming kababaihan, LGBTQ+, at iba pa sa panganib na dulot ng pwersang ‘Kano.
Ngayon ay sumusuong muli ang MAKIBAKA sa malalim at madilim na karagatan ng krisis panlipunan. Habang bumabawi mula sa mga natamong pinsala sa nagdaang pasistang rehimeng US-Duterte, kinakailangan ng MAKIBAKA at buong rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan na manatiling guwardiyado upang tugunan ang atake ng kalaban. Sa kanayunan man o kalunsuran, batid ng MAKIBAKA ang kahalagahan ng mas mahigpit na pag-agapay sa kasapian nito sa usapin ng seguridad at maging sa mga personal na bagay.
Ngunit sa gitna ng mga atake, tinatanaw ito ng MAKIBAKA bilang mabigat na pagsubok upang marating ang payapa at masagang pangpang. Bilang mga rebolusyonaryo, magpapatuloy at mas magpapakahusay at magiging mapangahas ang mga kasapi ng MAKIBAKA sa lahat ng gawain. Alinsunod sa tawag ng panahon at rebolusyon, hamon sa mga kababaihan at may kinikilalang kasarian na lumubog sa mga komunidad, paaralan, pagawaan, lupang sakahan, at iba pa upang ibayong konsolidahin at mag-organisa ng laksa-laksang kababaihan.
Batid ng MAKIBAKA ang kahalagahan ng pakikidigma kung kaya’t patuloy itong makikidigma. Bitbit ang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at sa gabay ng dakilang Partido, nagsisilbing pinakamataas na hamon sa lahat ng kababaihan at may kinikilalang kasarian na kasapi ng MAKIBAKA na magtungo sa kanayunan, buong tapang na tanggapin ang rebolusyonaryong tungkulin ng kababaihan, tumangan ng armas, at lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan upang gapiin ang Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata Kapitalismo, at sama-samang buuin ang isang lipunan na walang abuso at pananamantala, at mayroong tunay na pambansang kalayaan, demokrasya, at pagkakapantay-pantay.
Kababaihan at LGBTQ+, lagutin ang kadena ng pambubusabos! Isulong at ipagtagumpay ang Digmang Bayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang ika-51 anibersaryo ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan! Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!