Ang paglulunsad ng mamamayang Masbatenyo at buong sambayanang Pilipino ng makatarungang armadong paglaban ang pinakasinserong pagpapakita ng hangaring masolusyunan ang ugat ng armadong tunggalian.
Ang mga serye ng taktikal na opensibang ilinunsad ng NPA-Masbate ay bahagi ng ilang dekadang pagpupunyagi ng mamamayang Masbatenyo na isulong ang digmang bayan.
Sa kabila ng malawak na lupaing agrikultural sa Masbate, walang sariling lupang sakahan ang masang magsasaka. Gamit ang kapangyarihan sa pulitika at armadong pwersa, inangkin ng iilang malalaking haciendero at rantsero ang malalawak na lupain. Matindi at laganap ang pagsasamatalang pyudal at malapyudal sa mga magsasaka at lahat ng masang Masbatenyo.
Napasakamay ng masang magsasaka ang malalawak na sakahan mula sa kanilang sama-samang pagkilos at paglahok sa armadong pakikibaka. Naitayo at napalakas ang kanilang mga samahan at organisasyon. Paisa-isa hanggang tuluyan nilang napahina ang kapangyarihan ng mga haciendero at rantsero. Naggawa nilang baguhin ang hatian ng ani pabor sa kanilang magsasaka. Napababa ang tantos ng usura. Napataas ang presyo ng kanilang produkto at sahod ng mga manggagawang-bukid.
Higit sa lahat, naitayo at napalakas ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa pagtutulungan ng masa at Pulang Hukbo.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte, muling nahaharap ang masang Masbatenyo sa malawakang pang-aagaw ng lupa. Kaliwa’t kanan ang mga proyektong eko-turismo, mina, rantso at istrukturang makadayuhang sasagasa sa kabuhayan at magtataboy sa masang Masbatenyo. Armadong inaatake ng AFP at PNP ang mga komunidad at mga pampublikong pasilidad laluna ang malalapit sa mga lugar na target sa mapaminsang mga proyekto. Dahil dito, mas lalong pinanghahawakan ng masa at Pulang Hukbo ang pagsusulong ng armadong paglaban sa prubinsya.
Bilang naghaharing reaksyunaryo, inaasahan na kay Sara Duterte at sa buong rehimeng Marcos na ipagkait sa mamamayan anumang puwang para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa katunayan, tuso at oportunista si Sara na isangkalan ang mga aksyong opensiba sa Masbate para magsara ng peace talks at itulak ang militarista at kontra-rebolusyonaryong adyenda.
Batid ng masang Masbatenyo na nakasalalay sa ibayong paglakas ng armadong pakikibaka ang pagtutulak sa peace talks at iba pang hakbangin ng reaksyunaryong estado na sumalubong sa prosesong pangkapayapaan. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng paghahasik ng matinding takot at teror ng estado nananatiling pinangangalagaan at sinusuportahan ng masa ang kanilang pulang Hukbo. Ang kanilang mga anak, lalaki man o babae na nasa hustong gulang ay walang pag-aalinlangan nilang pinapasapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Nananawagan ang JRC BHB – Masbate sa masang Masbatenyo laluna sa masang anakpawis na lalo pang palakasin ang inyong mga samahan at mga nakatayong mga organisasyon. Makiisa at sama-samang kumilos kasama ang lahat ng mga progresibo at demokratikong organisasyon. At mahigpit na itaguyod at suportahan ang armadong pakikibaka.
Sa darating na ginintuang anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ngayong Abril 24, hinihikayat ng BHB – Masbate ang mamamayang Masbatenyo na patampukin at itambol ang 12 puntong programa ng organisasyon.
Inaatasan din ng pamprubinsyang kumand ang lahat ng yunit ng BHB na maglunsad at muling pag-aralan ang mga dokumentong naglalaman sa 12 puntong programa ng NDF. Ipalaganap ang mga bidyu at opopolarisa kapwa sa masa at pulang Hukbo ang programa ng organisasyon.
Makakamit lang ang tunay at walang-hanggang kapayapaan ng bayan sa pagtatagumpay ng ating digmang bayan. Mahigpit na panghawakan ang armas at isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon.