Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na hihintayin nito ang pinal na Writ of Execution kaugnay sa installation ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Hacienda Tinang at ihaharap muli ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang marami pang kaso sa lupa na kailangang resolbahin. “Nagwagi ang mga magsasaka ng Hacienda Tinang dahil sa walang tigil nilang paggigiit ng kanilang karapatan sa lupa. Halos buwan-buwan nasa DAR – nagpoprotesta at nakikipagdayalogo sa ahensya para mai-award na ang lupa sa mga ARBs. Ang kailangan ngayon ay physical installation sa lupa at mga support services para sa mga magsasaka ng Hacienda Tinang. ”
Isa lamang ang Hacienda Tinang sa daan-daan pang mga kaso sa lupa na naghihintay ng desisyon ng DAR. Kabilang ito sa mga kasong iniharap ng KMP sa unang araw pa lang ng administrasyong Marcos Jr. Naghihintay pa ng resolusyon ng DAR ang mga kaso sa lupa sa San Jose Del Monte Bulacan (Araneta Estate), Hacienda Luisita, Hacienda Murcia, Dumarao Stock Farm, Lupang Ramos, Concepcion Grande Estate, at marami pang iba.
Sa darating na Hunyo 9, isang taon na mula nang maganap ang paghuli at pagkakaso sa mga magsasaka at land reform advocates sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac. Kasabay nito ang paggunita sa ika-35 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Para igiit ang panawagang palitan na ang CARP ng bagong batas sa reporma sa lupa, magmamartsa ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang probinsya ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan patungo sa DAR at iba pang national government agencies sa Hunyo 8.
Sa ika-9 ng Hunyo, magmamartsa mula sa DAR patungong Mendiola ang mga magsasaka para ipanawagan ang libreng pamamahagi ng lupa at tunay na reporma sa lupa.
Laging bukas ang KMP sa pakikipag-usap kay Sec. Estrella para sa pagresolba ng mga kaso sa lupa. #