Government Services

Reporma ba o rekonsolidasyon ng krisis? – Pinoy Weekly

Reporma ba o rekonsolidasyon ng krisis? – Pinoy Weekly


Sa harap ng lumalalang krisis sa edukasyon sa Pilipinas—kakulangan sa silid-aralan, guro, aklat at nakabubuhay na suweldo—ipinipilit ng estado ang isang serye ng tinaguriang “reporma” sa kurikulum: pagsasanib ng mga asignaturang tulad ng Rizal at Philippine History, paglalagay ng “Labor Education,” pagbawas ng core subjects sa Senior High School at ang paglipat sa three-term system sa basic education.

Sa unang tingin, maaaring magmukhang modernisasyon ito. Ngunit sa masusing pagsusuri, malinaw na ito’y hindi tunay na reporma kundi rekonsolidasyon ng isang sistemang matagal nang bigo sa pagsisilbi sa sambayanan.

Ang pagsasanib ng Rizal at Philippine History ay marapat tingnan hindi bilang simpleng pagtitipid (o ‘di kaya’y pagbabarat) kundi pag-urong sa historikal na kamalayan ng kabataan. Sa halip na palalimin ang pag-unawa sa kasaysayan ng kolonyalismo at pakikibaka ng mamamayan, pinaiikli ito at pinapababaw.

Mas madali nga namang hulmahin ang isang henerasyong hiwalay sa kanilang rebolusyonaryong tradisyon. Ang kasaysayan, sa ganitong balangkas, ay hindi na larangan ng kritikal na pagsusuri kundi isang pinasimpleng naratibo na madaling ikahon sa opisyal na bersiyon ng estado.

Samantala, ang paglikha ng “Labor Education” bilang asignatura sa unang tingin ay pagkilala sa papel ng paggawa. Pero kung ituturo ito sa loob ng isang balangkas na hindi kumikilala sa pundamental na tunggalian sa pagitan ng paggawa at kapital, ito’y hungkag. Isang teknikal na kurso na maghahanda lang sa kabataan bilang mura at siil na lakas-paggawa para sa pandaigdigang merkado. Ang edukasyon sa paggawa na hiwalay sa kongkretong kalagayan ng pagsasamantala ay nagiging instrumento ng disiplina hindi ng pagpapalaya.

Mas lantad ang krisis sa Senior High School. Ang pagbawas sa core subjects at ang pagtulak sa humanidades, araling panlipunan at sining bilang “electives” ay tahasang pagkitil sa kakayahan ng kabataan na mag-isip nang kritikal at makibahagi sa buhay panlipunan.

Ang edukasyon ay nirereporma hindi upang lumikha ng mapanuring mamamayan kundi ng manggagawang sunud-sunuran, espesyalisado at hiwalay sa mas malawak na konteksto ng lipunan. Sa ganitong balangkas, ang sining at humanidades—na matagal nang nagsilbing larangan ng pagkuwestiyon at paglaban—ay itinutulak sa laylayan.

Ang pagpapatupad naman ng three-term system sa basic education ay nagpapakita ng desperasyon na pagtakpan ang mga batayang kakulangan ng sistema. Hindi nito sinasagot ang siksikan at kulang na mga klasrum, ang labis na trabaho at mababang suweldo ng mga guro, at ang kawalan ng sapat na kagamitang panturo. Sa halip, lalo nitong nililito ang mga guro at mag-aaral, pinapabigat ang administratibong pasanin, at pinapabilis ang daloy ng isang edukasyong hindi naman lubos na nauunawaan.

Sa kabuuan, ang mga pagbabagong ito’y hindi hiwa-hiwalay na hakbang kundi bahagi ng pag-ayon ng sistema ng edukasyon sa pangangailangan ng isang ekonomikong kaayusan na nakasandig sa murang paggawa, dayuhang dikta at lokal na naghaharing-uri. Sa halip na tugunan ang ugat ng krisis, pinapalala nito ang dislokasyon parehong sa hanay ng mga guro na nahaharap sa tanggalan at sa kabataang pinagkakaitan ng makabuluhang edukasyon.

Hindi napapawi ng mga atas ng burukrasya ang tunggalian sa loob ng edukasyon. Sa mismong pagkitil sa kritikal na pag-aaral, inilalantad ng estado ang takot nito sa isang kabataang may historikal na kamalayan.

Ang itinutulak na mekanikal at pira-pirasong kurikulum ay lalo lang nagpapatingkad sa pangangailangan para sa isang edukasyong nakaugat sa pambansang karanasan—makabayan, siyentipiko at nakatuon sa interes ng masang anakpawis.

Hangga’t nananatiling nakaayon ang edukasyon sa interes ng naghaharing-uri at dayuhang kapital, mananatili itong salat at baluktot. Sa puntong ito, malinaw na ang depensa sa edukasyon ay hindi maihihiwalay sa pakikibaka laban sa mga patakarang nagsisilbi sa iilang naghahari.

Ang tungkulin ng mga guro at kabataan ay lampasan ang depensibang posisyon—mag-organisa, ilantad ang mga polisiyang ito at igiit ang isang alternatibong balangkas ng edukasyon na nakaugat sa interes ng sambayanan.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning