Tanggol-kalikasan sa Quezon, nawawala matapos ang detensiyon – Pinoy Weekly

August 28, 2024


Kasalukuyang nawawala ang tanggol-kalikasan at dating Anakbayan-Southern Tagalog secretary general na si Rowena “Owen” Dasig matapos ang kanyang dapat na paglaya mula sa detensiyon sa Lucena City District Jail sa lalawigan ng Quezon nitong Ago. 22.

Ago. 13 nang ilabas ng Gumaca Regional Trial Court Branch 172 ang desisyon na nagpapawalang-sala kay Dasig sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanya noong nakaraang taon.

Ayon sa kanyang abogado mula sa La Viña, Zarate and Associates (LVZ), hindi pinalaya si Dasig kahit na kumpleto na ang mga dokumento mula umaga ng Ago. 21.

Iginiit ng LVZ na maituturing na delaying release at arbitrary detention sa ilalim ng Revised Penal Code ang pagpigil ng district jail sa paglaya ni Dasig nang walang legal na basehan.

Nang bumalik ang abogado ni Dasig sa piitan noong Ago. 22, pinalaya na raw ng 7:30 a.m. si Dasig na wala man lang pormal na pasabi. Hanggang ngayon, wala pa ring nakakaalam kung nasaan siya.

Ayon sa abogadong si Antonio La Viña, pupuntahan nila ang bahay ni Dasig sa upang tiyakin kung ligtas at tunay siyang naroon, tulad ng sinabi ng pulisya.

Sa pangunguna ng Youth Movement Against Tyranny-Southern Tagalog, nagkaroon ng candle lighting vigil sa University of the Philippines Los Baños noong Ago. 25 para ipanawagan ang paglitaw ni Dasig.

“Sa loob ng isang taon, bilang lang sa kamay ang mga beses na nakausap natin si Owen,” mangiyak-iyak na ibinahagi ni Ida Palo, paralegal at regional coordinator ng grupo.

Hinuli ng 85th Infantry Battalion sina Dasig at Miguela “Ella” Pinero, isang community health worker, sa Atimonan, Quezon noong Hul. 12, 2023.

Ayon sa Free Owen and Ella Network, inaresto sila habang nagsasagawa ng pag-aaral sa mga posibleng epekto sa mga magsasaka at sa kalapit na komunidad ng combined cycle turbine power project at liquefied natural gas terminal plant ng Atimonan One Energy.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PRWC » Tribute Video to Josephine Mendoza (Ka Sandy)

PRWC » Tribute Video to Josephine Mendoza (Ka Sandy) Philippine

PRWC » “Bigong Pilipinas” felt all over the countryside under Marcos Jr.’s regime

Marcos Jr’s State of the Nation Address (SONA) is nothing