“Labas kayo d’yan! Labas! Hindi kayo lalabas?!” sigaw ng mga sundalo ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army, kuwento ng isang residenteng magbubukid sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental, isang araw matapos ang madugong masaker sa noong Abril 19.
“Sabi namin, ‘Sir, sibilyan kami, sir,’” pakiusap ng nanay, na tumangging magbigay ng pangalan, sa mga sundalo habang hinahampas ng riple ang kanilang pinto. Pagkalabas ng pamilya, itinutok ng sundalo ang dulo ng kanyang riple sa likuran ng mister ni nanay habang hinalughog ang kanilang bahay.
Sa panayam sa Pinoy Weekly, nagbahagi ang mga magbubukid ng Toboso tungkol sa dati na at nagpapatuloy na militarisasyon sa kanilang lugar, na lalo pang tumindi matapos ang kamakailang masaker ng 19 na katao noong Abril.

Sumambulat sa balita ang pagpaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 10 na miyembro ng New People’s Army (NPA) at siyam na sibilyan, kabilang ang mga tanggol-magsasaka na sina Errol Wendel, Maureen Santuyo, mamamahayag na si RJ Nichole Ledesma, lider-estudyante na si Alyssa Alano, at mga aktibistang Pilipino-Amerikano na sina Lyle Prijoles at Kai Sorem.
Ayon sa AFP, terorista at lahat ng mga biktima ay napatay sa isang ‘di maiiwasang engkuwentro sa mga rebelde. Wala naman din daw pangangailangan para sa imbestigasyon ani Negros Occidental Gov. Eugenio Jose “Bong” V. Lacson dahil daw “legitimate encounter” ang naganap.
Pero taliwas dito ang ulat ng mga residente, maging ang iba pang natuklasan ng isang national fact-finding mission sa dalawang sitio sa Barangay Salamanca kung saan naganap ang pagpaslang.
Ayon sa mga saksi, matagal nang may makapal na presensiya ng mga sundalo na regular na rumoronda, naniniktik at nananakot sa mga residente para diumano’y sugpuin ang mga rebelde.
Nangunguna raw ang Negros Island sa may pinakamalaking konsentrasyon ng extrajudicial killings at iba pang paglabag sa karapatang pantao ayon sa Karapatan.
Nagpapatuloy na paglabag
Kuwento ng mga residente, sa araw mismo ng Abril 19 at sa mga sumunod pang araw, puwersahang pinasok at nagkampo ang mga sundalo sa kabahayan sa Sitio Sinugmawan at Sitio Plarinding.
Nakapagtala ang misyon, mula sa testimonya ng ilang dosenang saksi, ng samu’t saring paglabag sa ng international humanitarian law sa anyo ng paghahasik ng karahasan sa komunidad ng mga sibilyan.
Kabilang sa mga paglabag ang puwersahang paggamit ng bahay ng mga residente bilang kampo, pananakot at pagbabanta sa buhay nila alang-alang sa counter-insurgency, pagbabawal sa pagsasaka, pagpapaulan ng bala malapit sa mga kabahayan, ilegal na detensiyon at isang umano’y paggamit ng isang magbubukid bilang human shield.
Direktang salungat ito, ayon sa pahayag ng misyon, sa mga paratang ng AFP na pawang isang bakbakan ng mga armado ang nangyari.

Kinondena rin ng mga grupong kasama sa misyon ang “karumal-dumal na mga paglabag ng militar, kasabay ng pagtatanggi nila sa pagmamasaker ng mga sibilyan. Itong mga teroristang gawain nila ay labag din sa international humanitarian law, kabilang ang mga nakasaad sa Geneva Conventions.”
Nabalot sa matinding takot ang pamilya ni Britney, hindi niya tunay na pangalan, 22, taga-Sitio Sinugmawan, nang magsimula ang putukan nang madaling araw noong Abril 19.
Parang “umuulan ng bala” sa labas at hindi raw makagalaw ang anim niyang kapatid at dalawang magulang sa loob ng bahay. Ang kanyang nanay, parang aatekihin na raw sa puso.
Mangiyak-ngiyak na nagbahagi si Britney na may mas mahirap pa raw ang kasunod na kalbaryo nang pinag-evacuate ang mga residente na umabot hanggang Abril 22.
Ayon sa pamahalaang lokal, aabot sa halos 700 na kabahayan ang sapilitang lumikas dahil sa operasyon ng mga sundalo. At ayon sa mga naipong testimonya, may minimum na 18 na bahay na sapilitan at marahas na pinasok ang mga sundalo matapos ang putukan.

Pero kahit pa’y nakabalik na sina Britney, dalawang linggo bago naipon ang lakas loob ng kanyang ama na bumalik sa kabukiran para ituloy ang kanyang kabuhayan sa pagpuputol ng kawayan.
“Sabi ng tatay ko, ‘Hindi na tayo balik rin. Baka sa sunod na buwan na lang. Ang hirap lang, walang makain, walang bigas,’” ani Britney.
Ayon pa kay Britney at iba pang mga residente, bago ang Abril 19, at matapos ang insidente hanggang sa kasalukuyan, may matinding presensiya din ng mga drone sa himpapawid. Mga apat hanggang anim ang regular na namamataan, military grade, na para sa paniniktik mula raw alas-siyete ng umaga hanggang alas-tres ng madaling araw.
“Parang mga malaking bubuyog o maliit na helicopter na dumadaan,” paglalarawan ng isang residente.
Kumpirmasyon at duda
Kinumpirma rin ng maraming residente ng Toboso at maging sa labas ng munsipyo na hindi mga armado at anim sa mga nasawi sa madugong masaker. Kinilala sina Santuyo, Prijoles, Sorem, Wendel, Alano at Ledesma bilang klaro na mga non-combatant at mga researcher sa buong probinsya kaugnay ng matinding problema sa lupa at pagsaka ng mga sugar worker.
Gayumpaman, dahil raw nasolo ng mga sundalo ang buong crime scene ng apat na araw at hinayaang mabulok ang mga bangkay sa tubig nang mahigit 48 oras, halos imposible raw na mabuo ang tunay na sekwensiya ng mga pangyayari.
Sa isiniwalat din ni Dr. Raquel Fortun, forensic pathologist na nag-autopsy sa mga biktima, na may mga indikasyon na hindi engkuwentro ang nangyari. At ang katawan nga mismo ni Wendel at ng isa pang biktima ay napagpalit ng mga sundalo.
Para naman kay Ma. Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na bahagi ng isinagawang misyon, “may butas sa kuwento ng AFP.”

“Nasa amin ang burden para hanapin ang katawan,” ani Ayik Casilao ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA), grupong kinabibilangan ni Wendell. “Halos 90% sure kami na nagkaroon ng one-to-one switch ng katawan, pero gusto pa naming makumpirma sa pamamagitan ng DNA testing.”
Dahil sa tagal daw na AFP lang ang may akses sa lugar ng pamamaslang, may malaking posibilidad ng tampering o pagmamanipula ng mga ebidensiya.
“Ang una sa crime scene ay military na pumatay,” ani Conti. “Mas madaling matiyak ang kawalang pananagutan kung ang mismong perpetrator ang mauuna crime scene.”
Pinuna rin ng Commission on Human Rights ang pagtanggi ng AFP sa kooperasyon sa imbestigasyon ng ahensiya.
Inisyal pa lang ang mga datos at impormasyon ng misyon at magbubuo pa ang mga grupo, sa pangunguna ng Karapatan, ng komprehensibong ulat na maaaring gamitin sa pagkakaso at pagpapanagot sa mga sundalo para makamit ang hustisya para sa pamilya ng mga biktima.
Hiling ng mga residente na sana’y maresolba na ang kaso kasabay ng pagtugon sa mga matatagal na nilang hinaing para sa lupa at kapayapaan.
“Mabait si RJ,” kuwento ng isang magbubukid na edad 43, ng Toboso. “Hindi siya NPA. Alam namin reporter siya. Kahit sa Bacolod kasama namin siya.”
