Trump, US, kontrabida sa World Cup – Pinoy Weekly

Trump, US, kontrabida sa World Cup – Pinoy Weekly


Sa kahit sinong manonood ng isports, hindi maiwasang ihanay sa mga bida at kontrabida ang mga team at manlalaro. Siyempre lahat tayo may kanya-kanyang pambato. Pero pagdating sa World Cup, lumulutang ang rehimen ni Donald Trump bilang malinaw na panira sa tinaguriang “beautiful game.”

Bago pa man ang World Cup, nabalot na sa kontrobersiya ang pagiging mayor na host ng United States (US) sa World Cup 2026. Noong 2022, pinuna ng mga bansa sa Amerika at Europa ang pag-host ng Qatar, kesyo bakit igagawad ang prestihiyo sa isang bansang grabe ang rekord sa pang-aapi sa mga manggagawa. Tama naman.

Pero bakit, pagdating sa US, may katahimikang may bahid ng pagdodoble-kara. Kasabwat ng Israel, US ang pinakamasahol na bansa ngayon pagdating sa giyera at pagdurusa ng mamamayan sa daigdig. Lalong nakakapagtaka na ginawaran pa ng FIFA, namamahala sa futbol sa buong bansa, si Donald Trump ng FIFA Peace Prize, na ihinalintulad sa Nobel Peace Prize di’ umano.

Kasama ng US sa pag-host ng World Cup ngayon ang Canada at Mexico. Pero sa 16 na stadium na gagamitin para sa tournament, 11 nito ang nasa loob mismo ng US. Dahil diyan, may matitinding pananagutan ang US sa lahat ng kontra-mamamayang kapalpakan nito sa hosting.

World Cup nga, pero kapag ika’y hindi mula sa mayamang bansa o kakampi ng US, hindi ka papapasukin sa bansa para makapanood.

Ayon sa datos mula sa US State Department na inilabas ng BBC, nasa 40% pataas ang visa rejection rate sa mga bansa katulad ng Senagal, Ghana, DR Congo, Iran, Algeria, Haiti, Egypt, Haiti at Ecuador.

Mahigit anim sa 10 nag-a-apply ng US visa mula sa Iran ang hindi tinatanggap. Ang resulta, kapwa ang mga games sa stadium at iba pang events, dominado ng mga fans mula sa mga bansang malapit sa US.

Sa pahayag ng mga opisyal ng Washington, tanging ang mga “tamang tao” lang ang papayagang tumapak sa kanilang bansa.

Tampok na kaso ang pagharang kay Omar Abdulkadir Artan, isang pinarangalang referee mula sa Somalia, sa Miami kahit pa may hawak siyang US visa. Ito daw ay dahil may koneksyon siya sa mga “grupong terorista,” akusasyong walang ebidensya.

Si Aymen Hussein, striker naman ng Iraq, hinarang at hinaras sa airport ng Chicago nang pitong oras.  

Hindi maitatanggi ang pagpapahirap ng US at ng FIFA sa team Iran, na kahit pa sila’y may matinding banta sa kanilang buhay ay tumuloy sila sa paglaro sa World Cup.

Bago pa ang opening games, makailang ulit na ipinagkait ang visa ng buong team. Nang nilabas ito ilang araw bago magsimula ang World Cup, karamihan sa kanilang backroom at coaching staff ay hindi pinayagang makapasok sa US.

Iran lang din ang tanging team na hindi pinayagang magkampo sa US o tumagal sa loob ng bansa ng mahigit isang oras pagkatapos ng bawat game. Ibig sabihin, walang pahinga ang team pagkatapos ng isang laban at kailangan nilang magmadaling bumiyahe pabalik ng Mexico.

Binawi din ng FIFA ang 8% ticket allocation para sa mga tagasuporta ng Iran sa lahat ng kanilang mga laro. Ani Iran head coach Amir Ghalenoei, sila raw ang “pinakaaping team” sa World Cup.

Laking tuwa naman ng mga opisyal ni Trump. Umamin si US Homeland Security Secretary Markwayne Mullin na nag “happy dance” raw siya matapos ma-eliminate ang Iran. At sana raw wag na silang bumalik.

Isang bagay ang makapasok sa US, pero iba pang usapin ang makapanood sa mga mismong stadium. Sa unang pagkakataon, sinimulan ng FIFA ang tinatawag na “dynamic pricing” sa pagtatakda ng presyo ng mga ticket.

Dati, may tiyak na presyo ng ticket, depende kung ito’y panimulang mga laban o semi-finals at finals at depende kung anong klaseng seating. Ngayon, nakabatay sa takbo ng algorithm ang pagtatakda ng presyo at awtomatkiong tumataas ang presyo kapag nakikita nitong tumataas din ang demand o popularidad ng isang laban.

Resulta nito’y lumobo ang presyo ng mga ticket para sa bawat game. Ayon sa ulat ng Business Insider, halos pitong beses na mas mahal ang mga ticket ngayon. Para sa 2022 finals, nasa $600 ang halaga ng isang general ticket, pero para sa 2026 finals, nasa $4,195 na ang isang ticket!

Dagdag pa, tumaas ang gastusin para sa transportasyon. Sa World Cup 2022 sa Qatar, naglaan ang gobyerno ng libreng mga tren at shuttle para sa lahat ng fans. Pero sa US, lalong tumaas ang presyo ng mga ticket sa subway at halaga ng mga rental vehicles sa mga araw ng laban.

Sa New Jersey, tinatayang tumaas nang 11 na beses ang karaniwang ticket sa tren kapag may game, malaking perhuwisyo rin para sa karaniwang mananakay.

Para sa ating mga Pilipino, hindi man kasali ang ating bansa, marami pa rin ang mga manonood at maraming ginagawa ang mga fans para punahin ang FIFA at ang US.

Sa mga kalsada sa US, naglulunsad ng mga protest game ang iba’t ibang fans, iyong iba, nagpapahayag din pagtutol sa pambobomba ng US at Israel sa Palestine.

Na-eliminate man ang Iran, matunog pa rin ang pagsuporta sa mga team na mula sa mga inaaping bansa. Nagdiwang ang mamamayang api sa pagkapanalo ng Morocco sa The Netherlands, ng Paraguay sa Germany at tiyak sa mga susunod pang tagumpay ng mga kolonya at dating kolonya laban sa kanilang mga mananakop.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning