Dagdag-singil sa NAIA, nagsimula na – Pinoy Weekly


Epektibo na ang pagtataas ng overnight parking fee at iba pang airport expenses ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) nitong Okt. 1, alinsunod sa pagsasapribado ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa ilalim ng San Miguel Corporation (SMC).

Pumalo sa P1,200 ang halaga ng overnight parking para sa mga kotse, apat na beses na mas mataas mula sa dating P300 at lumobo naman sa P480 at P2,400 sa mga motorsiklo at bus.

Katuwiran ng SMC, itinaas ang singil sa parking para matugunan ang kakulangan ng espasyo sa paliparan at hindi nila intensiyon ang kumita, bagkus gawing passenger-friendly ang NAIA. 

Taliwas naman ang naging saloobin ni Ibon Foundation executive director Sonny Africa sa kanyang X (dating Twitter) post, pagmamanipula na lang aniya sa publiko ang rehabilitasyon subalit pasimpleng pananamantala at monopolyo na ang ginagawa ng SMC sa airport parking at iba pang serbisyo para pagkakitaan.

Pumatak na rin sa P50 ang short-term parking rate sa NAIA mula sa dating P40 at hindi na rin pinayagang ma-renew ang mangilan-ngilang fixed-rate monthly parking agreements.

Depensa naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista, kinakailangan ang pagtataas ng airport rates upang makabawi ang NNIC sa pamumuhunan na ginagamit din sa rehabilitasyon ng paliparan.

Inalmahan din ng ilang grupo ang nasabing biglaang pagtataas-presyo na anila’y “masakit sa bulsa.”

Nauna nang tinutulan ng Migrante International ang pagsasapribado ng NAIA dahil dagdag-pasanin umano ang pagtaas ng airport expenses sa mga pasahero lalo na sa overseas Filipino workers (OFWs).

Inaasahan ding magtataas ang terminal fee na babayaran para sa international flights at takeoff kada limang taon na makaaapekto sa 6,000 OFWs na lumalabas ng bansa kada araw.

“Pabababain ng labis na dagdag-singil ang perang maipadadala ng mga migranteng Pilipino sa kanilang mahal sa buhay bago pa sila muling makabalik ng bansa,” pahayag ng Migrante International.

“‘Yong pangako ng San Miguel sa pagpapabuti ng airport services kapag sila ang nanungkulan ay isang malaking parusa sa milyon-milyong Pilipino,” paglilinaw pa ng grupo.

Mariin ding kinondena ni Makabayan Coalition co-chairperson Liza Maza ang pagmamalabis ng SMC. Maituturing aniya na banta sa national security ang pribatisasyon ng paliparan.

“Sa pagsasapribado ng NAIA terminals, puwede nang mag-invest ang mga dayuhang kompanya at posible itong maging implikasyon sa ating seguridad,” sabi ni Maza.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!