NPA sa Masbate, bigong puksain ng AFP


Sinabi ng New People’s Army (NPA) na hindi kailanman napahina o nabuwag ng mga puwersa ng estado ang kanilang hanay, bagkus lalo itong lumalakas. 

Ayon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), nakapaglunsad ang NPA ng magkakasunod na opensiba laban sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa tagapagsalita ng NPA-Masbate na si Luz del Mar, binigo ng NPA ang atake ng 2nd Infantry Battalion (IB) ng 9th Infantry Division ng Philippine Army noong Set. 15 sa Brgy. Banco, Palanas, Masbate.

Nasa 10 sundalo ng AFP ang namatay sa kontra-atake ng kanilang grupo taliwas sa ibinalita ng AFP na maraming nasawi sa kanilang hanay. Resulta nito, nagdeploy ng 200 sundalo at pulis sa mga karatig na barangay ng Banco na San Carlos at Bigaa.

Magkahiwalay rin na inatake ng NPA ang kampo ng 93rd Division Reconnaissance Company (DRC) sa Brgy. Hamorawon at kampo ng 2nd IB sa Brgy. San Antonio, kapwa nasa bayan ng Milagros, Masbate noong Ago. 10.

Ani del Mar, pagkondena ng rebolusyonaryong hukbo sa Pacific Partnership 2024-2 (PP24-2) ng mga pinagsanib na tropa ng United States (US) at Pilipinas ang mga isinigawang pag-atake sa mga kampo.

“Ang 93rd DRC at 2nd IB ay nagsisilbing bantay ng US troops dito sa Pilipinas,” sabi ni del Mar sa kanilang pahayag.

Pagbuwag sa rebolusyonaryong kilusan sa Masbate ang totoong pakay ng PP24-2 na pinagbabalatkayong humanitarian mission.

“Kilala ang 2nd IB sa maraming krimen laban sa mga mamamayan ng Masbate, [lalo na] sa mga magsasaka na tinatakot at ninanakawan ng kabuhayan. Gayundin na nagsisilbi silang sanggano ni Gov. Antonio Kho na land grabber,” ani del Mar. 

Isa ang kaso ng magkapatid na magsasakang sina Ronel at Robert Monsanto na pinatay noong Hulyo 8 sa Brgy. Aguho, Esperanza, Masbate sa patong-patong na krimen ng mga sundalo ng AFP laban sa mamamayan ng islang lalawigan.

Bukod sa Masbate, naglunsad din ng mga pag-atake ang NPA sa mga tropa ng AFP sa Sorsogon nitong buwan ng Setyembre.

Mula Marso hanggang Hulyo sa North Central Mindanao naman, anim na sundalo ng AFP ang patay at 12 ang sugatan sa mga engkuwentro.

“May sinumpaang tungkulin ang rebolusyonaryong NPA na ipagtanggol ang masa at itayo ang tunay, demokratiko at malayang Pilipinas,” pahayag ng NPA.

Samantala, nahinto mula 2018 ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP dahil sa pananabotahe ng AFP at iba pang militaristang opisyal ng pamahalaan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!