Kasama ka ba sa halos 70 milyong Pilipinong boboto sa Mayo 12, 2025? Sinubaybayan mo ba ang pagsusumite ng mga nagnanais kumandidato sa mahigit 18,000 posisyon sa pambansa’t lokal na antas? At sa iyong pagbabasa, pakikinig o panonood mula Oktubre 1 hanggang 8, ilang beses ka bang nahulog sa upuan? Hanggang ngayon, nakataas pa rin ba ang kilay mo?
Ngayong malinaw na kung sino-sino ang tatakbo, alam mo na kung sino-sino ang hindi dapat takbuhan sa paghingi ng saklolo. May mga trapong dapat ilampaso, dinastiyang dapat buwagin at tiwaling dapat ilantad.
Sa dinami-rami ng mga buwaya’t ahas (na kadalasang kapit-tuko sa tigre’t agila), tandaan sanang tao lang ang karapat-dapat iboto. Tanggalan ng maskara ang mga nagkukunwaring makatao. Ipakita ang pekeng puti ng mga maitim ang budhi. Bulatlatin ang mga kalansay sa aparador.
May mga hunyangong pabago-bago ang kulay. Tila napadalas ang pagkain ng balimbing kaya naging ugali na nila ito. Masarap kaya ang ninakaw na ulam ngayong malakas ang ulan? May gana kaya silang kumain habang binabagyo ng protesta?
Oo naman. Iba talaga ang wala nang pakialam, wala pang pakiramdam. Tuloy lang sila sa paglamon ng lupaing kinamkam mula sa magsasaka’t katutubo, pati na sa pagtungga ng dugong sinaid sa mga manggagawa’t maralita. Walang kabusugan ang mga bundat sa kapangyarihan. Sila ang mga politikal na adik. Sabik na sabik, hayok na hayok tuwing nakakakita ng mga bagong pagsasamantalahan.
Patuloy mo bang sinusubaybayan ang karnabal na mas kilala sa salitang halalan? Sadyang hindi pa sapat ang mga payaso sa Palasyo. May mga nag-aambisyon ngayong maging susunod na papet sa Kongreso’t lokal na gobyerno. Gusto ng mga payaso’t papet na magmistulang marahas na palaruan ang gobyerno.
Pinapalabas nilang mali ang tama, kasinungalingan ang katotohanan at kaapihan sa kanila ang katarungan para sa nakararami. Para sa mga walang pakundangan, mistulang personal na alkansiya ang kaban ng bayan. Sila ang mga magnanakaw na nakakurbata, matamis ang dila pero wala sa bokabularyo ang salitang delicadeza.
Tinatawag na politikal na dinastiya ang sitwasyong kakaunting pamilya na lang ang may kontrol sa pambansa’t lokal na pamahalaan. Pamilyar ang apelyido ng mga pangunahing kandidato sa Senado, Kamara de Representantes at iba pang mga lokal na posisyon.
Para sa mga pplitikal na angkang wagas kung kumapit sa kapangyarihan, may mga kapatid na tumatakbo sa Senado habang ang iba pa nilang kapatid, asawa at anak ay nag-aambisyong umupo sa Kamara. Siyempre’y nabalitaan din ang nanay o tatay na nais maging gobernador samantalang bise-gobernador naman ang asawa o anak, alkalde at bise-alkalde ang iba pang kamag-anak o kaalyado habang pinapatakbo naman sa iba pang lokal na puwesto ang mas marami pang kadugo o kakampi.
Bakit ba gustong gusto nilang magkaroon ng family reunion sa mga opisyal na aktibidad ng gobyerno? Kailangan ba talagang may salitang “Honorable” sa pangalan ng bawat miyembro ng pamilya, maliban na lang sa mga alagang aso? Kung sabagay, aasa ka pa ba ng dangal mula sa mga payaso’t papet na asal-tuta?
Bilang botante, hirap kang mamili kung limitado ang pagpipilian. At kung nasa lugar kang walang oposisyon sa dinastiya, hindi na lang limitado kundi wala talaga. Napag-isipan mo na bang huwag na lang bumoto? Huwag naman sana.
May pag-asa pa kahit suntok sa buwan ang pagtataguyod ng halalang nagbibigay ng pantay na oportunidad sa mga nasa laylayan ng lipunan. Kahit na mula sa mga mayaman ang kapangyarihan ang lahat ng nais kumandidato sa lugar mo, posibleng suportahan ang mga tumatakbong senador at grupong partylist na nagtataguyod sa interes ng mga batayang sektor ng lipunan. Kailangan lang na kilatisin ang lahat ng nasa listahan para malaman kung sino-sino sila. Maniwala ka, mayroon!
Teka, tinatanong mo ba kung bakit hindi na lang ibigay sa iyo ang listahan ng 12 senador at isang grupong partylist na karapat-dapat sa boto mo? Puwede naman, pero hindi ba’t mas mainam na ikaw mismo ang magsaliksik para magkaroon ng sariling listahan? Posible mo itong ikumpara sa listahan ng iba mo pang kakilala. Mula ngayon hanggang Mayo 12, 2025, puwedeng mabago pa ang listahan mo batay sa sariling pananaliksik at pakikipag-usap.
Posible ring tanungin mismo ang mga kandidato’t grupong partylist kung ano ba talaga ang gagawin nila kung sakaling manalo. Kapani-paniwala ba ang kanilang sinasabi? May malinaw ba silang track record ng pagkilos para sa ikabubuti ng sektor na kinakatawan nila? Makakaya mo kaya silang lapitan kung sakaling may isyung dapat harapin ng Kongreso?
Mainam na seryosohin ang pagpili para makapagpaupo, kahit sa limitadong paraan, ng matitino. Kahit na mas nakararami ang mga payaso’t papet sa gobyerno, hindi naman nagtatapos ang lahat sa halalan.
May susing papel ka bilang botante. May mas malaking papel ka bilang militante.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat Multimedia at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.