Kalikasan at pondong bulnerable sa abuso – Pinoy Weekly

September 30, 2024


Sa pinakahuling ulat ng Global Witness, muling lumabas ang Pilipinas bilang pinakadelikadong bansa sa buong Asya para sa mga environmental defender o tanggol-kalikasan. Nasa 11 taon nang nasa top spot ang Pilipinas at pumalo na sa 298 ang mga pinaslang ng mga elemento ng gobyerno mula 2012. Para sa 2024, 17 na ang biktima.

Pero mas mataas pa ang tala ng grupong Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), nasa 21 ang pinaslang sa nakaraang taon at mayroon pang 19 na dinukot o sapilitang iwinala. 

Dagdag pa ng Global Witness, lumalabas na 64% ng lahat ng pamamaslang ng sa buong kontinente ay nangyayari lang sa Pilipinas. Kapansin-pansin ito sa mga tunggaliang may kinalaman sa pagmimina, pangingisda, agribusiness, dam, hydropower, at iba pa. 

Talagang talamak ang paninira sa kalikasan at likas na yaman kaya’t napakaraming nagpupursiging ipaglaban ito kahit pa hindi matigil ang panggigipit at pandarahas ng gobyerno. 

“Halos wala namang pagkakaiba ang sa administrasyong [Ferdinand] Marcos Jr. at ang diktador niyang ama,” bira ni Eco Dangla, advocacy officer ng Kalikasan PNE. 

Matatandaan ang kaso nina Jonila Castro at Jhed Tamano, dalawang aktibistang kontra sa reklamasyon ng Manila Bay na dinukot ng mga sundalo noong 2023 pero nakalaya matapos nilang ilantad ang sapilitang pagpapasuko ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dinukot ng mga sundalo sa Orion, Bataan noong gabi ng Set. 2, 2023 sina Jhed Tamano (kaliwa) at Jonila Castro dahil sa kanilang gawain sa mga komunidad na apektado ng reklamasyon sa Manila Bay. Inilitaw sila ng militar noong Set. 19, 2023 para palabasin na mga sumukong rebelde. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Binatikos ni Castro ang gobyerno ni Marcos Jr. dahil hindi pa rin ito natuto mula sa mapait nilang karanasan bilang mga biktima ng pagdukot na itinago ng AFP. 

“[Inilalagay] ng mga tanggol-kalikasan ang buhay nila sa panganib para lamang mailabas ang katotohanan,” ani Castro. 

“Malagim ang pinagdaanan namin para lamang masiwalat ang isyu ng mga residente sa may Manila Bay. Nawawalan sila ng komunidad dahil sa matinding baha at quarrying ng reclamation. Hindi dapat ituring na kriminal ang mga kagaya namin,” dagdag niya. 

Lumabas din sa ulat ang paggamit ng batas para magsampa ng gawa-gawang kaso sa mga tanggol-kalikasan. Sa bisa ng Anti-Terrorism Act, may 14 na indibidwal na sinampahan ng mga kaso. Tinawag itong “weaponization” ni Castro, kung saan sinasadyang gamitin ang batas para supilin ang sinumang umaalma sa estado. 

Mula noong siya’y maupo, astang tagapamandila ng kalikasan agad si Marcos Jr. Binigyang diin pa ng pangulo ang usapin ng climate change sa harapan ng mga delegado ng United Nations. 

Pero ayon sa Kalikasan PNE, kadalasang nasa anyo ng large-scale mining, hydropower, plantasyong agrikultural, quarrying at reklamasyon ang mga sinasabi ng gobyerno na makakatulong sa klima at kapaligiran.

“Pinapalabas man na kaunlaran, ang mga proyektong ito ang karaniwang nakakasira sa mga ecosystem at nagpapalayas sa mga katutubo at lokal na komunidad,” paliwanag ng grupo. 

Sa kanyang ulat noong 2023, inanunsiyo ni Marcos Jr. na dapat “agresibong pinapasok ang renewable energy para maging 35% ito ng kuryente sa bansa pagdating ng 2030.”

Karaniwang porma ng renewable energy project ang mga windmill at hydropower o dam na sinasabing may mas malinis na enerhiyang ‘di makakaubos sa likas na yaman. 

Nakalikom na din ang administrasyong Marcos Jr. ng P3 trilyon foreign investment para sa apat na “priority sectors” kabilang ang renewable energy. 

Tinukoy ang rehiyon ng Cordillera bilang isang prayoridad para sa renewable energy dahil sa dami ng mga mineral, ilog at iba pang likas na yaman. Sa ngayon, may 99 na hydropower project na aktibo sa rehiyon na lumilikha ng problema kapwa sa kapaligiran at komunidad. 

“Nakakaalarma” daw ang dami ng proyekto ayon kay Jose Antonio Montalban, eksperto sa kalikasan at sanitasyon kasama ang grupong Pro-People Engineers and Leaders (Propel).

Sa todo-todong pagtutulak daw ng gobyerno ng mga renewables gaya ng hydropower at dam, “magkakaroon ito ng matinding pinsala sa ekolohiya, pagbabago ito sa batayang katangian ng mga ilog at bundok sa paligid nang walang malinaw na pagunawa sa carrying capacity ng isang lugar.”

Ang carrying capacity ay kakayahan ng isang lugar na tumanggap ng mga panlabas na bagay na magbabago sa natural na takbo ng kalikasan. 

Sa kaso ng mga dam at hydropower, at lalo dahil sa dami nila, inaasahang magdudulot ito ng mga flash flood lalo tuwing panahon ng bagyo. Bibiglain ang mga ilog sa mabilisang paglalabas ng tubig dahil sa lakas ng ulan, at sa huli, iyong dating hindi binabahang lugar, malulunod na. 

Katulad ng isinaayos ng gobyernong Marcos Jr. sa pambansang badyet ng 2024, batbat na naman ng anomalya ang panukalang pondo para sa 2025. Papalaking bahagi nito ang binabansagang “climate change expenditure” kahit na kaduda-duda naman kung talagang makakatulong ito sa kalikasan. 

Para sa 2025, may P1.01 trilyon ng pambansang badyet na tinaguriang Climate Change Expenditures, 84% na paglaki mula sa kasalukuyang taon. 

Karamihan dito’y mapupunta sa mga flood control project sa anyo ng mga seawall, floodway at iba pang paraan para dalhin ang tubig baha palabas ng mga siyudad. 

Pero sa ulat nga ng Department of Public Works and Highways nitong Agosto, karamihan naman ng mga proyekto’y nade-delay. Sa siyam na “flagship” flood control ng gobyerno, isa pa lang ang natatapos at karamiha’y baka sa susunod na dekada pa mapakinabangan. 

Isang ‘di tapos na pumping station sa Marikina City. May mahigit na $400 milyon na pinautang ang World Bank sa Pilipinas para sa rehabilitation ng 36 na pumping station at pagpapatayo ng 20. Wala pa kahit isang ang natapos sa loob ng nakaraang dekada. Carlos Maningat

Napansin ni Zy-za Nadine Suzara, isang independent public budget analyst, na kadalasang sa dulo na ng deliberations ukol sa badyet sinisingit ang usapin ng flood control.

“‘Di siya natatalakay sa mismong mga hearing ng House at Senate at consistently itong nangyayari,” aniya. 

Para sa kanya, isa ito sa pinaka “corruption-prone” na bahagi ng pondo “dahil ‘di maayos ang pagplano. Walang masinsing ebalwasyon sa paggagamitan ng pondo.” 

Dagdag pa niya, nasasayang lang ang pera ng taumbayan dahil ‘di alam kung paano nagagamit ang pera at “dahil sana’y nagamit ang pondo sa mga proyektong tiyak na may disenyo para sa climate change.” 

Nakapaloob din sa higanteng pondo para sa climate change ang P23.6 bilyong lump sum na Special Purpose Funds (SPF)

Ang SPF ay pondong hindi pa nabibigyan ng partikular na gamit, ibig sabihin, pleksible at maaaring gastusin batay lang sa kagustuhan ng may hawak. 

“Misleading ang pagtaas ng climate change expenditures ng gobyerno sa susunod na taon,” hirit ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas

Tinawag niyang “climate pork” ang SPF ng administrasyong Marcos Jr. dahil ilalaan ang P5.41 bilyon dito sa mga pamahalaang lokal at ang P18.2 bilyon naman para sa government-owned and controlled corporations na parehong bulnerable sa korupsiyon ayon sa mambabatas. 

“Hindi dapat gamitin ang climate change para makakulimbat pa ng pera ng taumbayan,” ani Brosas. 

Tungkulin ng gobyerno ang pangangalaga sa kalikasan at gayundin ang paglikha ng mga hakbang para tumugon sa problema ng climate change.

Ayon sa maraming eksperto at siyentista, pinakamainam kung magagawa ito sa paraang “holistic” ani Montalban. Ibig sabihin, patas ang konsiderasyon sa kapaligiran, komunidad, at kahit sa ekonomiya. 

Matagal nang may krisis sa kalikasan ng bansa at batbat ang bawat isla ng mga mapangwasak na proyekto. Pero kabaliktaran ang tugon ng gobyerno batay sa mga ulat na nabanggit: niyuyurakan ang mga karapatan ng mga tanggol-kalikasan, hindi pinapakinggan ang daing ng mamamayan, at pinagpipiyestahan ng mga politiko ang pondo na sana’y para sa kinabukasan ng lahat.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

NDFP consultants welcome return of peace talks to national level

Detained National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultants

PRWC » Condemn bombing of Gaza hospital

The Communist Party of the Philippines (CPP) joins peoples across