Malalanghap na ulap?

October 28, 2023


May mga umaga na dahil sa mababang ulap, nagiging kamukha ng Metro Manila ang malalamig na lungsod ng Baguio at Tagaytay. Pero bago magdiwang dahil sa nakakakilig na lamig, kailangan munang malinaw kung ito ba talaga ay dahil sa -ber months o may iba pang sanhi.

Setyembre 22 nang magsunod-sunod ang pagsuspinde ng klase sa ilang mga lungsod sa Batangas, Cavita at pati na National Capital Region (NCR). Tulad ng mga probinsiya sa Region IV-A, unang inanunsiyo na volcanic smog o usok mula sa bulkang Taal ang sanhi ng pagsuspinde ng klase sa NCR.

Ilang oras matapos ang paunang anunsyo, nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na karaniwang smog na dala ng polusyon ang bumalot sa Metro Manila. Pinalala pa ito ng temperature inversion o kapag may mainit na hangin sa himpapawid kaya lalong nakukulob ang usok.

Unang ginamit ang salitang smog sa simula ng ika-20 siglo (1900s), para may iisang salita na pinaghalong “smoke” o usok at “fog” o mga mababang ulap. Ibig sabihin nito, naipon sa hangin ang usok at nagmukhang ulap na bumabalot sa iba’t ibang mga lungsod.

Sa 2018 National Emissions Inventory ng Department of Environment and Natural Resources, 74% ng polusyon sa hangin ay mula sa mga sasakyan. Sa aabot na 14 milyong tonelada ng polusyon na galing sa mga sasakyan noong 2018, higit 5 milyon ay galing sa NCR. Sa EDSA pa lang, higit sa 400,000 na sasakyan na ang dumadaan, ayon sa datos ng Metro Manila Development Authority.

Kaya naman noong mga unang buwan ng 2020 Covid-19 lockdown, naglipana sa social media ang mga retrato ng Sierra Madre mountain range mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila. Paano, biglang kumonti ang mga sasakyang nasa kalsada.

Kapansin-pansin naman ang paglala ng smog tuwing sumasapit ang bagong taon. Kadalasan, may halo pa itong PM2.5, isang micro-particle na mapanganib sa kalusuguan.

Sa nalikom na datos ng Manila Observatory mula 2003 hanggang 2016, umabot sa kabaha-bahalang antas ang PM2.5 sa hangin sa kalakhan ng mga lokasyon na binantayan nila kabilang na ang ilang barangay sa Marikina City, Quezon City at Parañaque City.

“Ibig sabihin nito, nang ipagdiwang ang mga bagong taon na iyon, mas maiging nanatili sa loob ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga hirap sa paghinga o may mga sakit sa baga at puso,” ayon sa Manila Observatory.

Payo ng Department of Health, sa mga pagkakataon na malala ang smog mula sa mga bulkan o matinding polusyon, mainam na:

  • Manatili sa loob ng bahay;
  • Magsuot ng mask na kasing bisa ng N95 kung lalabas; at
  • Uminom ng maraming tubig.

Ayon sa World Health Organization (WHO), makikita sa datos nila mula 2016 na sanhi ang polusyon sa hangin sa maagang pagpanaw ng lagpas sa 1 milyong katao sa Timog Silangang Asya. Nakakapagdulot at nagpapalala ito ng sakit sa baga, puso at pati stroke.

Nilinaw naman ng WHO na labas na sa kakayahan ng karaniwang tao ang pagpigil sa kalakhan ng pinagmumulan ng polusyon sa hangin. Kakailanganin ng angkop na polisiya at sistematikong tugon sa tumitinding krisis sa polusyon.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Signature campaign for Charter change: ‘Rife with anomalies’

In the bustling city of Quezon, Philippines, lies a small

KMP condemns harassment of its leader

Danilo “Ka Daning” Ramos during his speech at a protest