Sa kabila ng maulang panahon, nagpiket sa harap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Batasang Pambansa ang 60 miyembro at opisyales ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform-Batangas (Sugar-Batangas) nitong Okt. 22 upang ipaalala ang naudlot na pamimigay ng P10,000 ayuda para sa mga magtutubo na apektado sa pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro Inc. (Cadpi).
Pitong buwan makalipas ang tuluyang pagsasara ng Cadpi, bigo pa rin makatanggap ng pinangakong ayuda mula sa DSWD sa ilalim ng Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) ang tinatayang 6,419 maggagapak, trak drayber at may-ari ng lupa mula Batangas.
Ayon sa pinakabagong impormasyon, 5,782 benepisiyaryo pa lang ang naambunan ng suporta.
Nagpadala rin ng liham ang Sugar-Batangas kay DSWD Secretary Rex Gatchalian at House Speaker Martin Romualdez upang humiling ng diyalogo ukol sa kanilang mga hinaing. Ayon sa kanila, nais nilang talakayin ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa, partikular sa mga kondisyon ng kanilang trabaho at benepisyo.
Nangako ang Social Welfare and Development (SWAD) Batangas na maipapamahagi ang ayuda kada buwan simula noong Mayo 16, ngunit nitong Ago. 1 lang nakapagpamigay ang ahensya sa 2,810 na benipisiyaryo sa tatlong munisipalidad.
Nauna nang sumang-ayon si Romualdez na magbigay ng P10,000 ayuda sa mga apektadong magsasaka at manggagawa sa isang diyalogo na inorganisa ng Gabriela Women’s Party.